TEXT MESSAGE
Noong araw di pa uso ang social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, at iba pang mga kilalang online application para makakilala at makasalamuha ka ng ibang tao galing sa iba't ibang lupalop ng mundo.
Di pa rin naman gaanong uso ang mga gadgets noon tulad ng android phone, tablet, laptop, computer at marami pang iba makabagong teknolohiyang ginagamit sa makabagong panahon ngayon.
Speaking of android phones ay minsan ko na ring pinangarap na magkaroon niyan. Pero hanggang pangarap lang nuon dahil alam ko namang wala kaming perang pambili nuon eh.
Ang pinakapatok sa panahon ko nuon ay ang 3210 o 3310 ng Nokia o mas kilala sa tawag na "Basic Phone" Marami na ring basic phones nuon. Una ko lang kasing nahawakang phone nuon ay yung Nokia 3210 na pinaglumaan pa ng Ninang ko. Yung hinintay ko pa na mag-birthday ako para lang ma-arbor ko yung phone na yun.
Di ko rin namang masasabing napag-iwanan din ng panahon kaming mga batang 90's dahil nuon din ay may nagagamit na rin kaming gadget. Wala pa nga lang internet at data. Ang meron lang yung load na pantext at pantawag. Pero ayos pa rin dahil sa pamamagitan nuon ay natatawagan at nakakausap pa rin namin yung mga gusto naming tawagan.
Ang pinaka social media sa panahon ko nuon ay yung tinatawag na "Clan" o "Textmate Clan" Ang tinaguriang "Group Chat (GC)" sa panahon ngayon. Yun bang may isang text message kang mare-receive galing sa inyong "Clan Leader" kung saan kayo magkikita-kita. Nauso na rin nuon ang tinatawag na "eyeball"
Eyeball means yung makikipagkita at makikipagtagpo ka sa isang tao na never mo pa nakita at nakilala mo lang sa text message. Kumbaga sa panahon ngayon tinatawag yun na "Ka-meet up" Ang pagkakaiba lang ay malalaman mo na agad kung anong hitsura nya pag magkita kayo. Nuon kasi talagang mapapaisip ka pa kung anong hitsura nung kaka-eyeballin mo eh. Minsan, para lang magustuhan ka ng taong gusto mong imeet up, mambabarbero ka eh.
Madalas pa ngang mangyari na kapag di ka type ng katatagpuin mo ay di yan magpapakita sayo. Pero pag gwapo o maganda ka, nauna na yan sayo sa lugar na pagkikitaan nyo.
Naalala ko lang din yung kwento ng kaklase ko dati na nakipag-eyeball sa isang babae na nakilala lang niya sa text message.
Sa gabi sila nagtagpo.
That time din ang pinakauna nilang pagkikita. Wala ring ideya yung babae kung anong hitsura ng kaklase ko na kakatagpuin niya.
Base kasi sa physical appearance ng kaklase ko, masasabi ko na parang di siya matitipuhan nung katatagpuin niya. (Wow!Hanep. Feeling gwapo lang eh ano?)
May height na 5 feet and 5 inches, may katamtamang hubog ng katawan, kayumanggi at kempee ang buhok. Uso kasi nuon yung ganung buhok dahil sa lakas ng impluwensiya ng bokalistang si Chito Miranda ng Parokya ni Edgar.
So eto na nga. Magkikita na sila. Naunang dumating yung kaklase ko sa pagtatagpuan nila nung misteryosang babae na nakilala niya lang sa text message, ka-clanmate niya. Very punctual siya that time kasi ayaw niyang ma-late sa pagkikita nila. Mas mainam na daw na siya ang maghintay kaysa sa babae ang naghihintay.
Nagsabihan na sila sa kung ano ang kanilang kasuotan para matukoy nila ang isa't isa at matunton kung saan ba naghihintay.
Nagtext yung kaklase ko duon sa babae. Sabi niya "Andito na ako baby sa meeting place natin. Hintayin na lang kita. Nakakulay green ako na t-shirt. Nasa tabi ako ng poste."
Nag-reply naman yung babae sa kanya na "Sige, papunta na ako baby."
Ang tagal naghintay ng kaklase ko. Text siya ng text duon sa babaeng kakatagpuin niya. "Saan ka na ba, baby? Kaninang-kanina pa ako dito naghihintay. Luminga-linga siya sa paligid at naglakad-lakad dahil sa naiinip na siya kakahintay. 'Di na nakapagpigil, tinawagan na niya yung babae. Nagri-ring pero di sinasagot.
Tinawagan niya ulit.
Napunta siya sa medyo maraming tao. Sa pagtawag niya ay may narinig siyang nagriring din na phone. Dali-dali niya itong pinuntahan at tinunton kung saan naroroon ang tunog. Inoff bigla nung tinatawagan niya. Binabaan siya. Unfortunately, di na niya nakita kung saan banda yung nagriring na phone pero may nakita siyang babae na balingkinitan ang katawan, maputi at nakalugay ang buhok. Gusto na sana niyang lapitan yung babae para tanungin kung siya na nga ba yung ka-eyeball niya. Pero biglang kinuha nung babae yung phone niya at parang may tinatawagang iba.
"Hindi siguro yan. Nagkataon lang na nag-ring phone niya nung tumawag ako. Hintayin ko na lang siya ulit."
Bumalik na lang ulit yung kaklase ko sa sinabi niyang magiging meeting place nila at naghintay ulit.
Maya maya pa ay may nagmessage sa kanya. Dali-dali niya itong binasa kahit antok na antok na siya kakahintay.
At sa wakas! Nagreply na rin sa kanya yung misteryosang babae.
Bigla na lamang siya nanghina nang may mabasa siyang di kanais-nais sa nilalaman ng mensahe sa kanya ng babae. Ang sabi ay ganito:
"Ang pangit mo pala sa personal. Akala ko gwapo ka kaya nakipag-eyeball ako sayo. Nauna akong dumating sayo duon sa meeting place natin. Ikaw yung naka-green na t-shirt na maitim na lalaki sa tabi ng poste. Pangit mo pala. Ayoko na sayo!"
Tinawagan ng kaklase ko yung ka eyeball niya pero di na niya matawagan kasi nasa blocklist na yung number niya.
Nang malaman ko yung kwento niya na yun sa akin, di na ako nangahas na makipagkilala at makipagkita sa iba. Alam ko namang dadanasin ko rin yun eh. Eh alam ko naman sa sarili ko na di naman ako gwapo. Hindi na nga gwapo, payat pa at maitim pa. Nakasalamin pa at malabo ang mga mata. At isa pa, may siwang pa ang ngipin sa harap. Parang pinagtakluban ng di magandang hitsura ang peslak ko, ano?
Swerte ko na lang kung may babaeng magkakagusto sa akin. Yung tatanggapin ang buong pagkatao ko magmula sa pisikal na kaanyuan ko.
Ikaw ba? Naranasan mo na rin ba ang ganung sitwasyon?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento